SIYAM na inmates ang nakatakas mula sa selda ng Manila Police District – Raxabago Police Station 1, makaraang lagariin umano ang rehas na bakal sa nasabing himpilan ng pulisya sa Tondo, Manila nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Gayunman, agad nadakip ang limang preso habang patuloy pang tinutugis ang apat sa mga ito.
Bunsod nito, sinibak sa pwesto dahil sa command responsibility, si Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, commander ng MPD Station 1, gayundin ang deputy chief, desk officer at jail officer.
Base sa ulat ng pulisya, pasado ala-1:00 ng madaling araw nang madiskubreng nilagare ang rehas na bakal ng presinto.
Nakumpirmang siyam na indibidwal na may iba’t ibang kaso ang nakatakas.
Ayon kay Mupas, nang dumating siya ay nagtaka siya kung bakit nasa labas ng presinto ang pintuan ng selda.
Aniya, hindi na niya oras nang mangyari ang jail break, kaya responsibilidad ito ng deputy chief na nakatalaga ng mga oras na iyon.
Ang nabanggit na mga opisyal ay nahaharap sa kasong administratibo dahil sa insidente.
(RENE CRISOSTOMO)
209