AFP ‘DI MAGPAPATINAG SA ANTI-TRESPASSING RULE NG CHINA SA WPS

HINDI magpapatinag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagtupad sa kanilang mandato sa gitna ng bantang pagpapairal ngayon ng Anti-Trespassing rule ng China sa kanilang nasasakupan kasama ang pinag-aagawang mga teritoryo na saklaw ng West Philippine.

Ang nasabing bagong regulasyon ng China na nagbibigay ng kapangyarihan sa kanilang coast guard na hulihin at idetine ang sinomang mahuhuling nanghihimasok sa kanilang teritoryo, ay saklaw umano ng kanilang imaginary 10 dash line.

Tiniyak kahapon ni AFP chief of Staff General Romeo Brawner Jr., na may mga paghahanda silang ginawa kasama ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Philippine National Police at iba pang concerned government agencies para hindi maapektuhan ang mga Pilipinong mangingisda

Hinikayat din ni Gen. Brawner ang mga mangingisda na huwag magpatakot at tuloy-tuloy lang na mamalakaya gaya ng kanilang pang-araw-araw na gawain sa loob ng exclusive economic zone at nakahanda ang pamahalaan na maprotektahan sila.

Samantala, inihayag naman ni AFP Public Affairs Office chief, Colonel Xerxes Trinidad, ang anti-trespassing policy na inilabas ng Beijing na magsisimulang ipatupad ngayong Sabado Hunyo 15, 2024, ay tahasang hindi pagkilala sa ‘rule of law’ at internasyonal na pamantayan na sinusunod sa ilalim ng maritime conduct.

“The presence and actions of its vessels in our waters are illegal, coercive, aggressive and deceptive. We will not be deterred or intimidated,” ani Col. Trinidad.

“The AFP remains steadfast in our mission to protect our nation’s rights and ensure the safety of our personnel and citizens in the West Philippine Sea,” pahayag pa ng opisyal.

Magugunitang inihayag ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, na hindi hahayaan ng gobyerno ng Pilipinas na arestuhin ang mga Pilipino na maglalayag o mangingisda sa dagat na sakop ng West Philippine Sea.

“Nothing will happen. The actions right now of the Philippine Navy, AFP, PCG and BFAR and all maritime players of the Philippine government are to prevent such situation,” ani Col. Trinidad sa isang press briefing sa Camp Aguinaldo. (JESSE KABEL RUIZ)

87

Related posts

Leave a Comment