MISTULANG niyakap na rin ng mga senador ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos pumayag ang mga ito na ituloy ang nasabing programa sa susunod na taon.
Sa ambush interview kay House Speaker Martin Romualdez sa Bicameral Conference Committee meeting sa Manila Hotel, kinumpirma nito na mananatili sa 2025 national budget ang P26 billion pondo ng AKAP na unang tinanggal ng Senado sa kanilang bersyon sa pambansang pondo.
“Nagpapasalamat tayo sa kapwa nating mga congressmen at sa Senate na sinuportahan nila ‘yung AKAP. Na-maintain at naibalik kaya tuluy-tuloy ang programa ng AKAP para sa mahihirap,” pahayag ni Romualdez.
Nakuwestiyon ang nasabing programa dahil marami na umanong ibinibigay na ayuda ang gobyerno tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICs), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps subalit iginiit ni Romualdez na kailangang tulungan din ang mga may trabaho na limitado lamang ang kita.
Nang tanungin naman si House committee on appropriations chair Rizaldy Co na head ng House contingent sa Bicam, kung may inilaang halaga sa AKAP fund sa mga senador, sumagot ito ng “Well, we can have arrangements now with the Senate po, we’re looking forward to that. We were supported by the Senate, so maraming salamat sa ating [mga senators].”
Bukod dito, inaprubahan din umano sa Bicam ang pagtataas ng subsistence allowances ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsisimula na sa susunod na taon.
Bukod ito sa regular na sahod at iba pang allowances ng mga sundalo. (BERNARD TAGUINOD)
4