AKSYON NA LANG NG SENADO KULANG: EYE SORE NA CABLE WIRES MAWAWALA NA

AKSIYON na lamang ang hinihintay ng taumbayan at mawawala na ang mga salasalabat na kable ng kuryente at mga telecommunication companies (Telcos) na bukod sa eye sore o masakit sa mata ay nagiging dahilan ito ng panganib sa taumbayan.

Sa botong 201 pabor ay pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 10521 o “Safe Overhead Electric Distribution, Cable and Communications Lines Act”.

Sa ilalim ng nasabing panukala, bibigyan ng mandato ang mga local government units (LGUs), hindi lamang sa Metro Manila, kundi sa buong bansa na tiyaking maayos ang pagkakabit ng kable ng mga kompanya ng kuryente at Telcos.

Layon umano ng panukalang ito na matiyak ang kaligtasan ng mga tao at komunidad sa kabuuan dahil sa kasalukuyan ay maraming lugar sa bansa, partikular na sa Metro Manila, ang hindi maayos ang pagkabit ng mga kable na masakit umano sa mata.

“Low-lying cable wires do not only serve as a massive eyesore in communities; they pose significant danger to people around them. There have been several accidents, many of them fatal, that have been attributed to these derelict posts, faulty wiring, and dangling cable wires,” ani Baguio City Rep. Mark Go, may akda sa nasabing panukala.

Upang masiguro na maipatupad ito, bubuo ng inter-agency team na kinabibilangan ng local officials mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Company (NTC), National Transmission Corporation (TransCo), National Electrification Administration (NEA) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at mga kinatawan ng mga public utilities.

Sinumang kumpanya na lalabag dito kapag naging batas ay pagmumultahin ng P250,000 hanggang P500,000 sa unang paglabag, P1 milyon sa pangalawang paglabag at P2 milyon sa ikatlong paglabag. (BERNARD TAGUINOD)

39

Related posts

Leave a Comment