ALICE GUO MULING NA-CONTEMPT SA SENADO

NAGPATULOY ang pagdinig ng Senate committee on women kaugnay sa POGO operations kung saan humarap muli si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos itong maaresto sa Indonesia.

Sa ikalawang pagkakataon, na-cite in contempt si Guo.

Sa kanilang opening statements, ipinamukha ng mga senador ang paulit-ulit na pagsisinungaling ni Alice Guo sa pagharap niya sa Senado noong Mayo.

Iginiit ni Senador Risa Hontiveros na hindi uubra sa kanila ang pagpapa-cute ni Guo at hindi katanggap-tanggap ang celebrity treatment.

Tahasan ding iginiit ni Senador Jinggoy Estrada kay Guo ang pagsisinungaling niya sa paggiit na hindi siya totoong lumaki sa farm, hindi totoo si Teacher Rubilyn gayundin ang iba pa nitong mga inilahad sa komite.

Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva na kung hindi nakalkal ang buong katotohanan sa kaso ni Alice Guo ay posibleng magkaroon pa ang bansa ng Presidenteng inisponsoran ng POGO.

Iginiit naman ni Senador Win Gatchalian na tukoy na sa mga ebidensya na kanilang nakalkal ang tunay na pagkatao ni Guo mula sa kanyang birth certificates hanggang sa kanyang bank accounts kaya’t malinaw na mas marami siyang kasong kahaharapin.

Iginiit naman nina Senador JV Ejercito at Senador Raffy Tulfo na bukod sa mga impormasyon sa POGO operations dapat isiwalat din ni Guo ang mga tumulong sa kanya para makatakas sa bansa.

Guo Nagmatigas

MATIGAS pa rin ang paninindigan Guo sa kanyang mga naunang pahayag na siya ay Pilipino at dito siya lumaki sa Pilipinas.

Paulit-ulit ang naging tanong ng mga senador kay Guo kung siya nga ba si Guo Hua Ping kung saan tumangging sumagot ang sinibak na alkalde sa pagsasabing may mga kaso nang inihain sa kanya at doon siya sasagot sa korte.

Sinabi rin ni Guo na hindi niya alam paano nangyari ang pagtugma ng kanyang fingerprint sa NBI at sa dokumento sa Bureau of Immigration.

Iginiit nito na mayroon din siyang death threat subalit tumangging idetalye.

Muling na-cite in contempt ng komite si Guo dahil sa patuloy na pagsisinungaling at pag-iwas sa mga tanong at iginiit naman ni Senador Jinggoy Estrada na kung makuha nila ang hurisdiksyon sa dating alkalde ay dapat itong makulong sa Pasay City Jail.

Samantala, no show sa pagdinig ng Senado si Cassandra Li Ong gayundin si Sual, Pangasinan Mayor Dong Calugay.

Hindi Dumaan Sa Immigration

Hindi dumaan sa Philippine Immigration dahil walang immigration stamps ang pasaporte ni Alice Guo.

Ibinunyag ito ng Bureau of Immigration kung saan sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na agad silang nagsagawa ng pagsusuri sa Philippine passport ni Guo nang dumating ito nitong September 6.

Sa pasaporte ni Guo na inisyu noong September 4 sa Angeles City at nakalagay na ipinanganak siya sa Tarlac, Tarlac.

“We have reviewed the contents of her passport upon her arrival and found out that she has the same immigration stamps as her alleged sister Sheila,” ayon kay Tansingco. “No Philippine stamps were found in both passports, showing that they left the country illegally without undergoing regular immigration inspection,” dagdagan pa ng BI Chief. (DANG SAMSON-GARCIA/ JOCELYN DOMENDEN)

61

Related posts

Leave a Comment