AMBUSH SA MALATE: MAG-ANAK INULAN NG BALA

PATAY ang isang 24-anyos na lalaki habang sugatan ang kapatid nito makaraang pagbabarilin ang isang mag-anak na lulan ng kotse sa Malate, Manila nitong Lunes ng umaga.

Hindi umabot nang buhay sa Philippine General Hospital ang biktimang Edgar Ramiro, 24, ng #2202 Tramo St. sa lungsod ng Pasay.

Sugatan naman ang kapatid nitong si Luisa, 26, saleslady sa isang mall, makarang tamaan ng bala sa braso.

Samantala, mabilis namang tumakas ang dalawang suspek na lulan ng motorsiklo.

Batay sa ulat ng Manila Police District- Homicide Section, bandang umaga nang mangyari ang pamamarili sa panulukan ng Pres. Ocampo St. at Bautista St. sa Malate.

Lulan ng kotseng Chevrolet Spark LS (TOS-677) ang mga biktima, kasama ang kanilang ama na si Ernesto, 47, at ang inang si Erlinda na isang kagawad sa Brgy. 53, Zone 7, sa Tramo, Pasay City.

Tinatahak ng mag-anak ang kahabaan ng Pres. Quirino Avenue ngunit pagsapit sa Bautista St. nang dikitan sila ng riding in tandem at sila ay pinagbabaril.

Inaalam pa ng pulisya kung sino ang pakay ng mga suspek at kung ano ang motibo sa pamamaril. (RENE CRISOSTOMO)

71

Related posts

Leave a Comment