ANTI-DISCRIMINATION ORDINANCE SA MARIKINA NILAGDAAN

antidiscrimination 12

(NI NICK ECHEVARRIA/PHOTO BY KIN LUCAS)

NILAGDAAN na ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ang ordinansa na nagbabawal sa diskrimansyon sa hanay ng mga Lesbians, Gays, Bisexuals, Transgenders (LGBT) sa idinaos na 2019 Metro Manila Pride March and Festival sa Sports Complex na lungsod, Sabado ng hapon.

Layunin ng nilagdaang City Ordinance No. 065  “Anti-Discrimination Ordinance of Marikina City” na bigyan ng pantay na oportunidad ang lahat ng mga miyembro ng LGBT community sa lungsod.

Nakasaaad sa Section 6 na ordinansa ang pagbuo ng isang Anti-Discrimination Council na pangungunahan ng City Mayor kasama ang walong pangunahing opisyal ng lungsod bilang mga miyembro kung saan tatlo dito ang manggagaling sa sektor ng LGBT bilang mga kinatawan.

May katapat na parusang pagkabilanggo mula 60-araw hanggang isang taon at multang P1,000 hanggang P5,000 ang sinumang mapatutunayang lalabag sa nasabing oridnansa na naglalayong gawing isang criminal act ang diskriminasyon sa Marikina.

“Bilang pagpapakita ng aming suporta, sa araw na ito ay aking pipirmahan at ipapatupad ang Anti-Discrimination Ordinance na nagbibigay sa lahat ng pantay at parehong karapatan sa trabaho, edukasyon, tirahan, at mga serbisyo ng pamahalaan,” sabi ni Teodoro sa harap ng libu-libong dumalo at nagbunyi sa nasabing okasyon.

Binigyang diin  ng alkalde na walang sinuman sa basehan ng kasarian, pinanggalingan o pananampalataya ang maaring tanggihan o hindi tatanggapin, kasunod ang paniniwala  na sa pamamagitan ng ordinansa ay maii-institutionalize nila ang Sexual Orientation, Gender  Identity, and Expression (SOGIE) Equality  Bill.

Nanawagan din si Teodoro sa national at local government officials na suportahan ang pagkakapantay-pantay sa lipunan.

Umabot sa halos 50,000 ang bilang na doble ng mga dumalo noong nakalipas na taon sa parehong okasyon, ayon sa pagtaya ni P/Col. Restituto Arcangel, hepe ng  Marikina Police Office.

 

159

Related posts

Leave a Comment