BABAE TUMALON SA RILES NG LRT 1

SANDALING naantala ang biyahe ng Light Rail Transit (LRT- 1) nang tumalon at umupo sa gitna ng riles ng tren ang isang babae sa southbound lane sa Doroteo Jose, Rizal Avenue, Sta. Cruz, Manila nitong Martes ng hapon.

Masuwerte namang walang masamang nangyari sa hindi pa nakikilalang babae na edad 40 hanggang 50-anyos.

Base sa ulat ng management ng Light Rail Manila Corporation, bandang alas-12:42 ng hapon nang mangyari ang insidente.

Sa Facebook post na in-upload ng isang netizen, bigla umanong tumalon at umupo sa gitna ng riles ang pasaherong babae habang paparating ang tren sa bahagi ng southbound lane ng nasabing istasyon.

Dahil sa pagkabigla, napasigaw ang iba pang mga pasahero na naghihintay ng tren sa Doroteo station.

Maagap namang nakapagpreno ang driver ng tren kaya pumailalim lang ang babae ngunit nakaligtas sa insidente. (RENE CRISOSTOMO)

72

Related posts

Leave a Comment