NAPIGIL ang bentahan ng isang pitong araw na sanggol matapos madakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 15-anyos na dalagita habang nakikipagtransaksiyon sa bentahan sa isang social media site.
Isang ahente ang nagkunwang buyer at matapos maisara ang deal sa P40,000 ay ikinasa na ang entrapment sa isang fastfood restaurant sa Las Pinas City.
Kasamang nadakip ang live-in partner ng dalagita gayundin ang sinasabing mga magulang ng baby. Pinagpapartehan umano nila ang napagbebentahan sa baby. Hinala ng NBI, marami nang naibentang sanggol ang grupo sa social media.
Sinabi ni NBI interpol chief Ronald Aguto, aalamin nila kung gaano kalaki ang grupo ng dalagita gayundin kung gaano na katagal sa kalakaran ang mga ito. Aalamin din kung grupo ng dalagita ang mga taong nangingidnap ng mga kakasilang na baby sa mga ospital.
Sa interogasyon, sinabi ng suspect na nais lang nyang tumulong sa mga taong gustong magkaroon ng anak at alam din umano ng mga magulang ng sanggol na ibebenta niya ang bata.
154