NABIYAYAAN ng Lions International District 301-A2 ng libreng eyeglasses ang mahigit sa 160 mag-aaral ng Jose Rizal Elementary School, sa lungsod ng Pasay.
Pinangunahan ang pamamahagi ni Lions International, International President Fabricio Oliveira. Nagpasalamat naman ang mga guro sa tulong na ito na naibigay ng Lions International para sa mga mag-aaral.
Samantala, pinasinayaan naman ni President Oliveira ang bagong tayong gusali ng Lions International District 301-A2 na sa Pasay City Host Lions Club compound sa lungsod din ng Pasay.
Kasama sa pagpapasinaya ang kanyang partner in service na si Amariles Martins; MD 301 State Council Chairperson Lion Gil Mostoles, Second Century Ambassador; Past International Director Lion Michael S. So, District Governor Lion Sol Wilfredo Flores at iba’t ibang lions clubs.
Nanawagan si Oliveira ng mahigpit na pagtutulungan ng lahat ng lions sa pagpaparami ng kasapian hanggang maabot ang kabuuang target na 1.5 milyong miyembro sa Lion Year 2024-2025.
Hinikayat din niyang magkontribusyon ang mga miyembro ng mga halagang mula $50 hanggang $50,000 para sa Lions Clubs International Foundation para matustusan ang mahahalagang programa ng mga lion sa buong mundo. Nito lamang nagdaang bagyong Carina na sumalanta sa malawak na bahagi ng Pilipinas, nagbuhos ang Lions International ng $10,000 para sa relief goods na ipinamahagi sa mga biktima ng kalamidad.
Nakipag-ugnayan din si Oliveira sa mga leo ng Multiple District 301 Philippines na isinagawa sa Jose Rizal Elementary School matapos ang pamimigay ng eyeglasses. Bukod dito, pinangunahan din ni Oliveira ang Seminar on International President’s Programs sa Solaire, Paranaque City. (Danny Bacolod)
49