(NI KEVIN COLLANTES)
MAAGANG nagtungo sa kani-kanilang mga polling precinct at nagsiboto ang mga kandidato na mahigpit na magkakalaban sa lokal na halalan na idinaos sa mga lungsod ng San Juan at Pasig, nitong Lunes.
Sa San Juan City, dakong alas-7:40 ng umaga nang magkasamang nagtungo sina San Juan City Mayoral Candidate Francis Zamora at reelectionist San Juan Congressman Ronaldo Zamora upang bumoto sa Xavier School, kasama ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya.
Magkasama rin bumoto ang mag-amang si dating Sen. Jinggoy Estrada at incumbent vice mayor at mayoralty candidate Janella Estrada sa Xavier School dakong alas-11:25 ng umaga .
Ang mag-inang sina reelectionist Sen. JV Ejercito, at outgoing San Juan Mayor Guia Gomez, ay sa naturang paaralan din bumoto.
Naging bokal naman si Gomez sa pagsasabing ang kanyang vice mayor na si Janella, ang nais niyang manalo sa eleksyon, laban sa dating kaalyadong si Francis Zamora.
Sa kabila naman ng pagdiskwalipika sa kanya ng ikalawang dibisyon ng Commission on Elections (Comelec) sa halalan dahil sa isyu ng citizenship, maaga ring bumoto si Edu Manzano, na kumakandidato sa pagka-kongresista sa lungsod, na kalaban ng nakatatandang Zamora.
Maging ang mag-inang sina reelectionist Sen. Grace Poe at Susan Roces, ay maaga ring bumoto sa San Juan, ngunit hindi naman kaagad nakaboto ang senadora dahil sa aberya sa vote counting machine (VCM), at kinailangan pa nitong bumalik na lamang sa kanyang polling precinct.
Samantala, naantala rin ang pagboto ni Pasig City mayoralty candidate Vico Sotto dahil sa problema sa poll machines.
Nabatid na dakong alas-8:43 ng umaga nang dumating si Sotto sa Valle Verde 5, kasama ang kanyang inang si Connie Reyes, ngunit hindi gumagana ang VCM sa polling precinct niya.
Sinabihan ang kandidato ng board of election inspectors (BEI) na iwanan na lamang niya ang kanyang balota at sila na ang magsusubo nito sa VCM ngunit pinili ni Sotto na bumalik na lamang sa presinto upang ipasok sa makina ang kanyang balota kung maayos na ito.
Ang kanya namang katunggali sa eleksyon na si reelectionist Pasig City Mayor Bobby Eusebio ay nakaboto rin naman kaagad sa Rosario Elementary School sa Pasig City.
Nakatutok ngayon ang mga mata ng publiko sa San Juan City dahil mahigpit ang tunggalian at laban sa pagitan nina Zamora at Estrada, habang inaabangan rin ang kalalabasan ng eleksyon sa Pasig City matapos na banggain ni Sotto ang mga Eusebio na prominenteng angkan ng mga politiko sa lungsod.
178