(NI KEVIN COLLANTES)
INALMAHAN ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr), na pinamumunuan ni Secretary Arthur Tugade, ang mga akusasyon ni Senador Grace Poe na lumalala ang lagay ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Sa isang kalatas, naglabas ng paglilinaw ang DOTr at sinabing hindi lumalala at sa halip ay unti-unting humuhusay ang kalagayan ng MRT-3 kumpara sa mga nakalipas na taon.
Reaksyon ito ng DOTr, sa ginawang pagkuwestiyon ni Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, sa aniya’y lumalalang kondisyon ng MRT-3 sa kabila ng mga pagkumpuni sa mga pasilidad nito.
“Almost every week, the MRT has some glitch. Why does it seem that the trains getting worse while they are being repaired?” anang senadora matapos pababain ng MRT-3 ang may 850 na pasahero nito nitong Miyerkoles ng umaga dahil sa depektibong pinto ng isa sa mga tren.
Paglilinaw naman ng DOTr, “First, we would like to clarify, once and for all, that it’s not true that the state of MRT 3 now has deteriorated compared to previous years.”
Iginiit din ng DOTr na nagkaroon pa ng malaking kabawasan sa bilang ng mga insidente ng pagpapababa sa mga pasahero dahil sa aberya sa MRT-3 kumpara noong nakaraang taon.
Sa datos na inilabas ng ahensiya, nabatid na mula Enero hanggang Hunyo 2016 o bago ang administrasyong Duterte, ay mayroong 333 unloading incidents na naitala sa MRT-3, kumpara sa 14 na insidente na lamang na naitala mula Enero hanggang Hunyo 2019.
Nabawasan din, anila, ang bilang ng aberya mula 31 noong Enero hanggang Hunyo 2016 kumpara sa 12 na naitala ngayong unang kalahatian ng kasalukuyang taon.
Binigyang-diin ng DOTr na hindi naman talaga maaayos kaagad ang mga problema ng naturang rail line, ngunit tiniyak na gumagawa sila ng mga hakbang upang maisakatuparan ito sa lalong madaling panahon.
“We cannot immediately fix the problems that have accumulated and have been neglected over the years. Nevertheless, we are taking all the necessary steps so that we could do that as soon as possible,” pahayag pa ng ahensiya.
Nangako rin ang DOTr na pagsapit ng Hulyo 2021 ay mararamdaman na ng mga pasahero ang mga pagbabago sa MRT-3, kabilang dito ang dagdag na mga tren sa 20 mula 15; mas mabilis na train speed na 60 kilometers per hour mula sa dating 30 kilometers per hour at mas maikling paghihintay ng mga pasahero upang masakay ng tren, ng mula sa 7.5 minuto ay magiging tatlo hanggang 3.5 minuto na lamang.
158