ARESTADO ang isang 39-anyos na lalaking nagpanggap na kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP), makaraang makumpiskahan ng replika ng baril sa entrada ng Manila North Cemetery sa Blumentritt St., Sta. Cruz, Manila noong Sabado ng hapon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code (Usurpation of authority or official functions), at Section 35 ng Republic Act 10591 (Use of an imitation of firearm) ang suspek na si Bernardo Naraiso, ng Gingoog City, Misamis Oriental
Batay sa ulat nina Patrolman Jefferson Santos at Patrolman Mark Baliwas, ng Alvarez Police Community Precinct, sakop ng Manila Police District – Sta Cruz Police Station 3, kay Police Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez, station commander, bandang alas-5:50 ng hapon ng makumpiskahan ng gun replica ang suspek sa loob ng sementeryo.
Nabatid sa report ng pulisya, habang nakapila ang mga pumapasok sa Manila North Cemetery para sa paggunita sa All Souls Day, nang isang concerned citizen ang nagsumbong sa mga pulis na may lalaking may nakasukbit na baril sa baywang na nagresulta upang arestuhin ang suspek. (RENE CRISOSTOMO)
45