NADAKIP ang itinuturong bomb expert na responsable umano sa bomb attacks sa dalawang bus companies, matapos matunton ng Philippine Navy Naval Intelligence Unit.
Pansamantalang itinago ang pagkakakilanlan ng nadakip na miyembro ng terrorist group na Daulah Islamiyah, Hassan group bunsod ng follow-up operation na isinasagawa ng mga tauhan ng naval intelligence.
Ang sinasabing bomb expert ay naaresto ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa Barangay Midpandacan, General Salipada K. Pendatun sa Maguindanao del Sur.
Ayon naman kay Area Police Command-Western Mindanao chief, Maj. Gen. Bernard Banac, ang nasabing suspek ay wanted dahil sa iba’t ibang criminal and terrorist activities na kinasasangkutan nito sa South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani and General Santos.
Sinasabing dating kasapi ito ng Al-Khobar extortion group at itinuturong responsable sa mga bomb attack sa bus companies na isinagawa noong 2007 at 2015.
Mayroon din itong warrant of arrest dahil sa 4 counts ng attempted murder na unang inilabas ng korte noong Disyembre 2022 sa North Cotabato. (JESS KABEL RUIZ)
47