BSKE SA MALLS POSIBLE

IMINUNGKAHI ng Commission on Election (COMELEC) ang pagdaraos ng Barangay and Sangguniang Kabataan Election sa loob ng malls sa bansa.

Ayon kay Comelec spokesperson si Rex Lauchengco sa media forum sa “Balitaan sa Tinapayan” sa Dapitan Street, Sampaloc, Manila, maayos nilang naisagawa ang voter’s registration nang walang naging aberya sa ilalim ng “Register Anywhere Program”, kaya naniniwala ang ahensiya na kaya rin nilang magsagawa ng halalan sa mga mall sa mismong araw ng botohan.

Gayunman, masusing pinag-aaralan ng COMELEC kung saan sa mga mall maaaring idaos ang pilot testing ng halalan.

Bukod dito, pinag-aaralan din ng Comelec ang posibilidad na gamitin ang automated machines sa halalan.

Ayon pa kay Lauchengco, marami pang dapat na ikonsidera lalo’t maraming set ng balota ang kailangan. Una na rito aniya, ang pangangailangan na madagdagan ang budget.

Paalala ng Comelec sa mga botante na edad 15 hanggang 17-anyos at 31-anyos pataas, isang balota lamang ang kanilang kailangan, subalit sa mga edad 18 hanggang 30-anyos ay kailangan ang dalawang sasagutan na ang isa’y para sa SK at ang pangalawa naman ay para sa Barangay.

Ibinida naman ng COMELEC na umabot na sa 97,000 ang nagparehistro sa nagdaang araw at nadugtungan pa ito ng hanggang Pebrero 20. (RENE CRISOSTOMO)

25

Related posts

Leave a Comment