ARESTADO ang isang Bureau of Corrections (BuCor) officer at dalawa pang kasama nito sa ikinasang bigtime anti-narcotics operation noong Linggo sa Parañaque City.
Ayon sa ulat, tinatayang nasa sampung kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, na may street value na umabot sa P68 milyon, ang nasabat sa isinagawang buy-bust operation matapos ang ilang araw na case build-up at surveillance operation.
Inihayag ng PDEA noong Linggo, naaresto ang 27-anyos na si Correction Officer 1 Paul Patrick Toledo, ang 34-anyos na truck driver na si Romeo Guerrero, at Reynold Teodoro, 27-anyos na security guard, matapos mahulog sa inilatag na anti-drug operation sa Skate Park sa Bulungan ng nasabing siyudad.
Matapos na makumpirma ang ilegal na operasyon ng grupo, inilatag ang buy-bust operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Special Enforcement Service (SES) PNP-National Capital Region Police Office; PNP Drug Enforcement Group-Intelligence and Foreign Liaison Division (IFLD) sa Parañaque City.
Bukod sa 10 kilo ng hinihinalang shabu, nasamsam din mula sa mga suspek ang dalawang sasakyan, isang pistol na may kargang live ammunitions, at mobile phones, ayon sa report na ipinarating kay PDEA Director General Moro Virgilio Lazo.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) at Section 11 (possession of dangerous drugs) ng Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sina Toledo, Guerrero at Teodoro.
Kasalukuyang nagsasagawa pa ng follow-up investigation ang mga awtoridad para matunton ang pinagkukunan nila ng ilegal na droga. (JESSE KABEL RUIZ)
56