POSIBLENG desisyunan na ng Senado bukas ang isyu kung daragdagan pa ang inaprubahang budget ng Kamara para sa Office of the Vice President at ang pondo para sa Ayuda Para sa Kapos ang kita o AKAP Program.
Ayon kay Senador Grace Poe, chairperson ng Senate committee on Finance, puspusan na nilang pinag-aaralan ang mga panukala ng mga senador kaugnay sa mga naturang usapin.
Sinabi ni Poe na layun nitong maisapinal ang latag ng proposed 2025 national budget na isasalang sa approval sa 2nd reading sa Senado, bukas.
Una nang nagpasya ang komite na iadopt ang inaprubahan ng Kamara na bawasan ng P1.3 billion ang hiling na pondo ng Office of the Vice President para sa susunod na taon.
Ito, ayon kay Poe, ay makaraang hindi tumugon ang Office of the Vice President sa marami nilang request para sa mga dokumento upang maging malinaw ang hinihingi nilang pondo.
Ipinatanggal naman ng Senate Subcommittee on Finance ang P39 billion na pondo para sa AKAP Program na ipinasok ng Kamara sa panukalang budget. (DANG SAMSON-GARCIA)
42