CELIZ, BADOY MAGPAPASKO SA KULUNGAN NG BATASAN

HINDI malayong mag-Pasko at Bagong Taon sa Batasan Pambansa Complex sina Jeffrey Celiz at Lorraine Badoy matapos mapikon ang mga kongresista dahil sa petisyon na inihain ng kani-kanilang asawa sa Korte Suprema.

Sa pagdinig ng House committee on legislative franchises, isinama sa agenda ang furlough na hiningi ni Celiz dahil sa Christmas Season at may sakit pa umano ang ina nito. Pagbibigyan umano sana ng congressman ang hiling ngunit dahil sa petisyon sa SC ay hindi ito natuloy.

“Pagbibigyan na, binawi pa,” ani Manila Rep. Bienvenido Abante dahil habang dinidinig ang request ni Celiz ay nasa Korte Suprema ang asawa nito kasama ang mister ni Badoy at naghain ng petition for certiorari.

“”Suspend (the) consideration Mr. Chair kasi…it show of bad faith. Kasi nakikiusap ka dito na humihingi ka ng pagpapalaya kaso sa likuran namin kakasuhan niyo naman kami sa Korte Suprema,” ani Quezon Rep. David Suarez.

Dahil dito, nagmosyon si Surigao del Norte Rep. Johnny Pimentel na suspendehin ang furlough request ni Celiz at saka na lamang balikan ito kapag binawi nito ang inihaing petisyon sa Korte Suprema.

Sinang-ayunan naman ito ni Abante at binalaan sina Celiz at Badoy na maaaring mag-Pasko at magbagong taon ang mga ito sa Kongreso lalo na’t ngayong Miyerkoles ay mag-aadjourn na ang Kongreso.

“If they will not withdraw, we would like to let them know that they might going to stay here in Christmas season until new year and that would be very-very hard for them. They should realize that,” paliwanag pa ni Abante.

Dahil dito, sinegundahan nina House senior deputy speaker Aurelio Gonzales at Abante ang mosyon ni Pimentel.

Isiniwalat naman ni Paranaque Rep. Gus Tambunting na si Abante ang nagrekomenda na palayain ngayong Christmas season sina Celiz at Badoy.

(BERNARD TAGUINOD)

122

Related posts

Leave a Comment