LIMA katao, kabilang na ang administrador ng Barangka Public Cemetery sa Marikina City ang sinampahan ng kaso kaugnay sa hindi otorisadong paghukay at paglibing ng bangkay.
Inireklamo nina Dr. Christopher Guevara, hepe ng City Epidemiology Surveillance Unit (CESU), at Rolando Dalusong, hepe ng Environmental Health and Sanitation sina Renato Beltran, Ian Lester Beltran, Irish Santos, Rowell Ogayon, Pablo Papa, at isang “Solayao.”
Ayon kay Teodoro, nilabag ng mga ito ang Presidential Decree at ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito partikular ang Section 5 at ang code on sanitation na nagbabawal sa walang pahintulot na paghuhukay lalo na kung wala itong permiso lakip na ang pagbalik nito sa pinaglibingan.
Paliwanag ni Teodoro, iniutos niya di-umano na huwag munang maghukay sa nasabing sementeryo dahil isinasailalim ito sa rehabilitasyon.
“May existing nga tayong ordinansa pero naglabas ako ng moratorium para huwag na muna maghukay. Papanagutin natin sila sa batas. Kinasuhan na natin ng administratibo at kriminal lahat ng involved na personnel ng Barangka Cemetery,” ayon sa alkalde.
“Mayroon na tayong na-identify na mga tao na may kagagawan nito. Wala itong authority, wala itong clearance, hinukay nila. Sinamantala rin nila ang pagkakataon para pagkakitaan. Dati ikaw pag maglilibing dito mga P1,000 to P2,000 ang babayaran mo sa maglilibing. Ngayon pinagkakitaan. Parang isang sindikato nangyari.” Dagdag pa ni Teodoro.
Sinabi pa ng alkalde na ang ginawa ng mga kinasuhan nila ay mali at walang kapatawaran dahil nananamantala na ang mga ito. Isinampa na ang kaukulang mga kaso sa Marikina City Prosecutor’s Office. (NEP CASTILLO)
37