KAILANGANG itigil na ang pambabarat sa Pinoy workers dahil hindi ito nakapang-aakit ng mga dayuhang negosyante na mamuhunan o maglagak ng negosyo sa Pilipinas.
Ginawa ni House deputy speaker Raymond Democrito Mendoza ang pahayag matapos bigyan ng barya at hulugang umento ang mga manggagawa sa Region 2, Central Luzon (Central Luzon) at Region XII o SOCCSKSARGEN.
This epic fail policy of cheap labor has been futile in attracting more and better foreign direct investments (FDIs) but fatal in stunting the physical and mental growth of our children as nearly a hundred of them die every day due to malnutrition,” ani Mendoza.
Noong October 2, iniulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) na inaprubahan na ang umento sa sahod ng mga manggagawa sa nasabing rehiyon at magiging epektibo ito sa Oktubre 17, 2024.
Sa inaprubahang umento ng mga regional wage board, binigyan ng karagdagang P30 kada araw ang mga manggagawa sa Region 2; P50 hanggang P66 sa Central Luzon at P27 hanggang P48 sa Region 12.
Hindi matatanggap nang buo ng mga manggagawa ang inaprubahang umento dahil hahatiin ito sa dalawang bigayan na ayon kay Mendoza ay wala pa sa kalahati ng kanyang panukalang P150 na umento.
Ayon sa mambabatas, ginawa ng gobyerno ang minimum wage upang makontrol ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa Pilipinas sa layuning makahikayat ng dayuhang negosyante.
Base sa record, sinimulang ipatupad ang Republic Act (RA) 602, o Minimum Wage Law noong Agosto 4, 1951 subalit hindi ito naging dahilan para maglagak ng puhunan ang mga dayuhang negosyante sa Pilipinas. (BERNARD TAGUINOD)
43