WELCOME sa pamunuan ng Philippine National Police ang planong pagsisiyasat ng Commission on Human Rights hinggil sa umano’y mahigit dalawang libong kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga alagad ng batas.
Ayon kay PNP Spokesperson at PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, nakahandang makipagtulungan ang PNP sa CHR sa gagawin nilang imbestigasyon sa umano’y mga human right violation.
Inirerespeto umano ng pambansang pulis ang hakbang na ito ng CHR kaya handa silang makipagkoordinasyon at ibigay ang mga kakailanganin ng nasabing ahensiya kaugnay sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Magugunitang una rito, isinusulong sa Senado ang pagsisiyasat sa mga paglabag sa karapatang pantao bunsod ng mga insidente ng pagpatay sa ilang menor de edad
Nabatid na plano ng CHR na siyasatin ang umano’y 2,000 kaso ng human rights violations na kinasasangkutan ng mga pulis.
Nilinaw naman ni Col Fajardo na hindi kinukunsinti ng PNP ang anomang maling gawain ng mga pulis at tumutulong sila sa pagkamit ng hustisya sakaling may karapatang pantao na nalalabag ang mga pulis.
Samantala, tuloy rin umano ang imbestigasyon hinggil sa magkakasunod na kaso ng pagpatay sa ilang mga kabataan na mga pulis ang itinuturong responsable.
Magugunitang hindi pa nakalilimutan ng sambayanan ang pagpatay ng anim na pulis-Navotas sa 17 anyos na si Jemboy Baltazar, ay panibagong kaso ng pamamaslang na naman ng mga pulis ang nangyari sa isang 15-anyos na si John Frances Ompad sa Rodriguez, Rizal.
Pinaslang si Ompad, ilang linggo lang pagkatapos mangyari ang insidente ng pagpatay ng mga pulis kay Baltazar dahil sa ‘mistaken identity’.
Katulad ni Baltazar, si Ompad ay nadamay lang din matapos makarinig ng magkakasunod na putok sa labas ng kanilang bahay.
(JESSE KABEL RUIZ)
509