BAKA lalo lamang tumindi ang tensyon at malagay rin sa peligro ang buhay ng ilang sibilyan kaya tinutulan ng National Security Council (NSC) ang planong Christmas convoy sa Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Sierra Madre sa Ayungin Shoal at iba pang katulad na aksyon.
Ayon sa mensaheng inilabas ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea, sinabi nito na bagama’t suportado ng NSC ang adhikain at intensyon ng “Atin Ito” coalition na maghatid ng kasiyahan sa mga sundalo ngayong Kapaskuhan, hindi magiging maganda na gawin ito sa gitna ng mataas na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Inirekomenda naman ng NSC na sa halip na sa Ayungin mas mabuting gawin na lamang ang plano sa ibang bahagi ng Kalayaan Island Group na okupado ng Pilipinas.
Kabilang na rito ang mga Isla ng Lawak, Kota, Likas, Pag-asa, Parola, Panata, Patag at Rizal Reef.
Paalala ng NSC, mayroon ding frontliners sa naturang mga lugar na nangangailangan ng pamasko at donasyon mula sa publiko.
“There are also frontliners in those features and they also deserve Christmas goodies and donations from the public,” pahayag naman ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya.
Pwede rin umano na ang Philippine Navy at PCG ang maghahatid sa Sierra Madre ng mga regalo o donasyon na balak ibigay sa mga sundalong naka-station sa nasabing naval detachment.
Tiniyak naman ng NSC na may sapat na supply ang Navy at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga sundalo sa Ayungin sa tulong ng PCG, sa pamamagitan ng regular na Rotation and Resupply Mission kaya’t hindi kailangan ang Christmas convoy ng mga sibilyan.
Nilinaw ng NSC na sinusuportahan nila ang civilian convoy “in principle” but not the planned trip “or any similar undertaking” sa Ayungin.
Nabatid na nag-oorganisa ang nasabing coalition na kinabibilangan ng Akbayan Party, ng 40-vessel convoy na maglalayag mula El Nido sa Palawan patungong Ayungin Shoal para mamahagi ng food and navigation tools.
Sinasabing ang civilian convoy ay naglalayong ma-normalize ang biyahe sa West Philippine Sea.
(JESSE KABEL RUIZ)
161