(NI JG TUMBADO)
IPATUTUPAD na rin sa punong himpilan ng Philippine National Police (PNP) ang Unified Vehicular Volume Reduction Program sa gitna ng dumaraming mga sasakyan na pumapasok sa loob ng kampo.
Epektibo sa Lunes, Hunyo 3 ay ipinagbabawal na ang mga sasakyan kapag natatapat ng number coding.
Ayon kay Police Lt. Col. Ruben Andiso, hepe ng Operations and Management Division ng Headquarters Support Service, bawal na sa loob ng kampo ang mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa 1 at 2 tuwing Lunes; 3 at 4 tuwing Martes; at 5 at 6 kapag Miyerkoles; 7 at 8 tuwing Huwebes at 9 at 0 kung Biyernes.
Iiral ang nasabing traffic scheme mula alas-4 ng madaling araw hanggang alas-7 ng gabi.
Paliwanag ni Andiso, umaabot na sa 5,412 na mga sasakyan ang pumapasok sa Kampo Krame gayong nasa 2,043 lamang ang parking slots sa PNP.
Ang nakapagpaparami umano sa mga pumapasok sa Kampo Krame ay ang mga kumukuha at nagpapa-renew ng lisensya ng baril at ng iba pang serbisyo ng PNP.
Gayunman, nilinaw ng HSS na exempted sa number coding ang mga sasakyan ng pulis na nakatalaga sa National Headquarters, mga marked vehicle ng PNP at AFP, government vehicles na mayroong plaka ng gobyerno, sasakyan na gamit ng mga foreign diplomat, sasakyan na may kargang tao na nangangailangan ng atensyong medikal, media, at mga sasakyan na mayroong Officer’s Row stickers.
Ang sino mang lalabag ay iisyuhan ng ticket ng mga officer na deputized ng lungsod ng Quezon.
208