MISMONG si Ombudsman Samuel Martires na ang humiling sa House Committee on Appropriations na tanggalin sa 2025 national budget ang confidential funds ng kanyang tanggapan.
“I will appreciate really if Congress will remove the confidential fund from our budget,” ani Martires matapos itong humarap sa nasabing komite para sa deliberasyon ng P5.842 billion na budget ng Office of the Ombudsman sa susunod na taon.
Ginawa ni Martires ang pahayag matapos humingi si House deputy minority leader France Castro ng confidential funds ng Office of the Ombudsman matapos matuklasan na hindi nagagamit ng nasabing ahensya ang pondong ibinigay sa mga ito.
Sa susunod na taon ay magkakaroon ng P51.468 million na confidential funds ang Ombudsman na mas mataas sa P51 million ngayong 2024 at P31 million noong 2023.
“I’d rather not have a confidential fund until the end of my term of office, than to have a confidential fund where people will be raising their eyebrows. Kumakain ako sa restaurant, (tapos) sasabihin ng tao na iyong tubig … na iniinom ko ay galing sa confidential fund,” ani Martires.
Imbes na gamitin aniya sa confidential funds ang nasabing pondo ay ilagay na lamang ito para sa pagtatayo ng satellite office ng OMB, pagkuha ng karagdagang abogado at maging sa digitalization program ng nasabing ahensya.
Ipinaliwanag ng opisyal na kailangan ng OMB ng 60 karagdagang abogado para sa kanilang imbestigasyon sa mga kasong idinudulog sa kanilang tanggapan laban sa mga government officials.
Sa record na nakuha ni Castro, 1,300 lamang ang kaso na inasikaso ng OMB sa unang anim na buwan ngayong 2024 na mas mababa sa 2,038 sa kaparehong panahon noong 2023 at sa bilang na ito, 389 lamang ang nakumpleto ang imbestigasyon.
“To speed up the investigation of complaints, we are trying to merge now the fact-finding office and the preliminary investigation office. So when the complaint is filed, it will be immediately assigned to a lawyer who will conduct a case evaluation, and the lawyer will determine whether to proceed with the preliminary investigation or to recommend for the dismissal of the case or to recommend for a case build up,” giit ni Martires. (BERNARD TAGUINOD)
35