PINURI ng Trabaho Party-list ang kasalukuyang economic policy ng Marcos administration ngayong nakamit muli nito ang makasaysayang “all-time low” na unemployment rate ng Pilipinas.
Dagdag pa ng Trabaho Party-list, napagtagumpayan pa lalo ng administrasyon ang direksyon nito sa ekonomiya matapos makamit ang ikalawang pinakamataas na GDP growth o Gross Domestic Product Growth sa buong mundo.
Ayon kay Atty. Filemon Javier, tagapagsalita ng Trabaho Party-list, hindi maitatanggi kung gaano kahirap ang mga minanang pandaigdigang hamon kaya’t malinaw na tama ang tinatahak na polisiya ng administrasyon.
Dahil dito, sinabi ng Trabaho Party-list spokesperson na pumalo na ng 96.9% ang employment rate base sa ulat ng Philippine Statistics Authority, bagay na ikinatuwa ng grupo dahil nakahanay ito sa mga plataporma nilang pagpapalakas ng kalidad ng trabaho, disenteng sahod at maayos na non-wage benefits.
Para sa Trabaho Party-list, iginiit din ni Atty. Javier ang kahalagahan ng “Build Better More” infrastructure program ng Marcos administration matapos iulat ng Philippine Statistics Authority na nagkaroon ng tinatawag na construction boom.
Ayon sa PSA, nakapagtala ito ng pinakamataas na increase ng 16.1% sa Gross Fixed Capital Formation sa industriya ng konstruksyon noong second quarter ng 2024, na ayon sa Trabaho Party-list ay dapat may tamang pagkilala sa masisipag na Pilipinong manggagawa.
Kinilala rin ng Trabaho Party-list ang tagumpay ng administrasyon matapos itong makapagdagdag ng halos isang milyong trabaho sa bansa kumpara noong nakaraang taon, partikular sa sektor ng konstruksyon. Dahil dito, iginiit ni Atty. Javier na dapat pa ring tutukan ang pagkontrol ng inflation at pagpapaganda ng kalidad ng trabaho, na kabilang sa mga “most urgent national concerns” ng mamamayan.
98