DATING WARDEN NG DAVAO PENAL COLONY KULONG SA BICUTAN

IPINAKULONG ng Quad Committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang dating warden ng Davao Penal Colony na si Supt. Gerardo Padilla dahil sa pagsisinungaling.

Sa mosyon ni House committee on public account chairman Joseph Stephen Caraps Paduano, inaprubahan ng QuadComm na pinamumunuan ni House committee on dangerous drugs chairman Robert Ace Barbers ang pag-contempt kay Padilla.

Matapos nito, nagmosyon si Antipolo Rep. Romeo Acop na patawan ng 30 araw na pagkakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig na sinegundahan ng isang kongresista kaya inaprubahan.

Si Padilla ay kabilang sa iniimbestigahan sa pagpatay ng mga presong sina Leopoldo Tan Jr., at Fernando Magdadaro sa tatlong Chinese drug lord na nakakulong sa Davao Penal Colony noong Agosto 2016 sa utos umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa testimonya ng isa pang People Deprived of Liberty (PDL) na si Jimmy Fortaleza, lalong nadiin si Padilla sa nasabing krimen dahil sa pamamagitan umano nito ay nakausap ng kanyang mistah sa Philippine National Police Academy (PNPA) na si Lt. Col Royina Garma para sa operasyon laban sa mga Chinese drug lord sa Davao Penal Colony.

Mariin naman itong itinanggi ni Padilla at habang tumatagal ang pagdinig ay lalong nagalit ang mga mambabatas dahil hindi umano ito nagsasabi ng totoo kaya napilitan si Paduano na maghain ng motion to contempt laban sa opisyal.

Agad na dinala ng House Sgt-at-arms si Padilla sa Bicutan detention cell sa Taguig si Padilla kung saan ito makukulong sa loob ng 30 araw.

Gayunpaman, sinabi ni Paduano na maaaring maghain ng motion for reconsideration si Padilla pagkatapos ng isang araw.

Sa kasalukuyan ay nakatalaga umano bilang media officer ng Bureau of Corrections (BuCor) sa National Bilibid Prison si Padilla at nakatakdang magretiro sa Nobyembre ngayong taon. (BERNARD TAGUINOD)

56

Related posts

Leave a Comment