DELICADEZA NAMAN D’YAN SEN. BATO — SOLON

UMAASA ang isa sa apat na chair ng Quad Committee na nag-iimbestiga sa extra-judicial killings (EJK) na magkakaroon ng konting delicadeza si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ginawa ni House committee on public order and safety chairman Rep. Dan Fernandez ang pahayag matapos ianunsyo ni Dela Rosa na magpapatawag ito ng motu-proprio investigation sa madugong war on drugs noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

“Delicadeza na lang sana ang pairalin ni Sen. Bato. For me it is highly inappropriate for him, the chief enforcer of the drug war, to lead a probe into the very operations he designed and implemented,” ani Fernandez.

Ipinaliwanag ng mambabatas na kung merong gagawing imbestigasyon ang Senado ay hindi dapat si Dela Rosa ang mamuno dahil malaki ang naging papel nito sa pag-implementa ng war on drugs bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP).

Si Dela Rosa ang itinalaga ni Duterte na PNP chief noong July 1, 2016 hanggang Enero 2018 na sa panahong umano ito ay nababalot ng maraming kaso ng EJK ang bansa dahil sa war on drugs na iniuugnay ng mga mambabatas sa ipinatupad na reward system kung saan nakatatanggap ng pera ang mga pulis na nakapapatay ng drug suspect.

Ganito rin ang inaasahan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na naniniwalang taktika ito ng senador para guluhin ang Quadcom investigation.

Hindi aniya dapat gamitin ni Dela Rosa ang pondo ng Senado para linisin ang kanyang pangalan at mga kasamahan nito na nag-implement ng war on drug na naging dahilan ng pagkamatay ng may 30,000 katao na karamihan ay wala umanong kinalaman sa ilegal na droga kundi dahil sa reward system. (BERNARD TAGUINOD)

41

Related posts

Leave a Comment