DELIVERY VAN NASALISIHAN

DALAWANG kahon ng lotion na aabot sa halagang P17,000, ang natangay ng hindi kilalang kawatan makaraang masalisihan ang driver ng delivery van sa harap ng isang drug store sa Sta. Ana, Manila nitong Martes ng umaga.

Batay sa inihaing reklamo ni Orlando Marbella, 29-anyos, empleyado ng DVP Logistic Services, sa Manila Police District-Police Station 6, bandang alas-9:46 ng umaga nang mangyari ang insidente sa harap ng Mercury Drug Store sa #1909 Augusto Francisco St., Brgy. 791, Zone 86, Sta. Ana.

Napag-alaman, nahagip ng CCTV ang suspek na tinatayang 40-anyos ang edad, nakasuot ng short pants, jersey t-shirt at ball cap.

Ayon kay Marbella, ipinarada niya ang minamaneho niyang silver na Hi-Ace Regius REGIUS (BED 378) para mag-deliver ng mga produkto.

Habang nagdidiskarga ang mga pahinante, nagtungo naman siya sa Savemore sa Pedro Gil St. ngunit pagkaraan ay natuklasan ang nawawalang items sa loob ng van.

Bunsod nito, nagreklamo siya sa himpilan ng pulisya at nang silipin ang CCTV ay nakita ang hindi kilalang suspek habang kinukuha sa van ang dalawang kahon ng Nivea lotion.

Nagsasagawa na ng follow -up operation ang pulisya para madakip ang suspek. (RENE CRISOSTOMO)

 

121

Related posts

Leave a Comment