HINDI lang umano mga estudyante ang bagsak sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte sa Department of Education (DepEd) noong 2023.
Ayon sa Commission on Audit (COA), bagsak din ang ahensya sa pagtupad sa mga pangunahing target nito tulad ng pamamahagi ng mga gamit pang-edukasyon, pagbili ng libro, pagkuha ng mga guro, pagpapatayo ng silid-aralan, at maging sa school-based feeding program.
Sa COA report noong Hulyo, nakasaad na nasayang ang pera ng bayan. Nagbabala rin ito ng mga Notice of Disallowance laban sa mga transaksyong sangkot sa mga iregular, hindi kinakailangan, at labis-labis na paggastos.
Samantalang hirap na hirap na ang mga Pilipinong estudyante sa Science at Math, bokya ang nakuha ng DepEd sa pagbili at pamamahagi ng mga gamit pang-Science at Math. Bokya rin umano sa pamamahagi ng mga gamit pang-Tech Voc.
Sa planong pag-imprenta at paghahatid ng 8.7 milyong libro at instructional/learning materials noong nakaraang taon, 1.87 milyon ang naisakatuparan o 22 porsyento lang.
Pagdating naman sa pagkuha ng mga guro, target ng DepEd na punan ang 15,365 na posisyon sa simula ng taon ngunit 11,023 lang ang nakuha o 72 percent.
Ayon sa 2023 DepEd Performance Indicator, 12,281 lang na bagong silid-aralan ang naitayo, o 74 porsyento ng target na 16,557 sa ilalim ng Basic Education Facilities Fund (BEFF).
Kahit may sapat na pondo para sa School-Based Feeding Program (SBFP), 5.33 milyon lang na estudyante ang nakinabang sa programa o 77 porsyento ng target na 6.94 milyon dahil sa mga aberya sa procurement at pagkaantala.
Binatikos din ng mga auditor ang umano’y kabiguan ng DepEd na makumpleto ang DepEd Enterprise Resource Planning System (DERPS) kahit na lumagpas na sa P1 bilyon ang mga bayad sa Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).
Ang DepEd Computerization Program (DCP) para sa mga estudyante at guro ay nag-ulat ng nakapanlulumong budget utilization rate na 50.07 porsyento na walang anomang naisakatuparan para sa fiscal year 2023.
Ang Last Mile Schools Program (LMSP) para sa mga liblib na lugar ay naharap din sa malalaking problema dahil 76 sa 98 na pasilidad ang naiulat na hindi pa tapos kahit na nabayaran na ang mobilization fees na umabot sa P211.23 milyon.
Sa kabuuan, sinabi ng COA na ang DepEd sa ilalim ni VP Sara Duterte ay hindi nagamit nang maayos ang pondo, nagsayang ng pera, lumalabag sa mga proseso ng procurement, at hindi nagawang pilitin ang mga supplier na sumunod sa mga detalye at target ng paghahatid, ayon sa mga state auditor.
34