Diplomatic dialogue sa Russia ikakasa P1.9-B DEPOSITO SA SOVIET CHOPPERS MALABONG MABAWI

POSIBLENG tuluyan nang malugi ng tumataginting na P1.9 bilyon ang pamahalaan makaraang talikuran ng nakalipas na administrasyon ang nilagdaang kontrata para sa pagbili ng 16 na helicopters mula sa bansang Russia.’

Taliwas naman ang paniwala ni Director Arsenio Andolong na tumatayong tagapagsalita ng Department of National Defense (DND). Aniya, masusing pinag-aaralan ng binuong Contract Termination and Review Committee ang proseso sa pagsasapinal ng kanselasyon ng kontrata gayundin sa pagbawi ng P1.9 paunang bayad ng pamahalaan sa Sov Technoexport ng Russia.

Una nang sinabi ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang Pilipinas mismo ang umatras sa pinasok na kasunduan para sa pagbili ng 16 units ng Mi-17 helicopters – sa direktiba ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte bunsod ng nakaambang economic sanction sa mga estadong may transaksyon sa bansang pasimuno sa hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Aniya, malabong mabawi ng pamahalaan ang paunang bayad nito sa mga naturang helicopters dahil sa Pilipinas ang tumalikod sa nilagdaang kasunduan.

Nangangamba umano ang DND at maging ang Malacañang na patawan ng sanction ng United State kung itutuloy ang kontrata sa Russia na una ng pinatawan ng economic sanction ng U.S bunsod ng ginawa nitong pagsalakay sa Ukraine.

Gayunpaman, naniniwala ang DND na hindi papasok sa umiiral na Countering America’s Adversaries Through Sanctions Act (CAATSA) ang pagbili ng heavy lift choppers ng Pilipinas mula sa bansang Russia. Ani Andolong, nakadisenyo ang heavy-lift helicopters sa disaster response and humanitarian assistance – at hindi para sa pakikidigma.

“Ibang usapan na yan kung attack helicopters. Since di naman pandigma ang Mi-17, baka sakaling magawan natin ng paraan.”

Tiwala rin ang DND na hindi madedehado ang Pilipinas sa kabila pa ng kanselasyon sa naturang kontrata.

“We have reconstituted the DND Contract Termination and Review Committee (CTRC) that will undertake the appropriate processes and exercise due diligence in formalizing the termination of the project’s contract,” pagtatapos ni DND spokesperson Andolong.

Sa kabila nito, isusulong ng gobyerno ang “diplomatic dialogue” sa  Russia.

“We are [p]reparing to initiate a diplomatic dialogue with the Russian side regarding matters arising from the project’s cancellation,” ayon kay Andolong. (JESSE KABEL)

84

Related posts

Leave a Comment