DIRECT FLIGHTS MULA BRUNEI TO CEBU, CLARK INAARAL NG DOT

TINITINGNAN ng Department of Tourism (DOT) na magkaroon ng direct flights mula Bandar Seri Begawan ng Brunei patungo sa ibang lugar sa Pilipinas at hindi lamang sa kabisera nito na Maynila.

Sa sidelines ng Philippine Business Forum sa Berkshire Hall, Royal Brunei Polo and Riding Club, sinabi ni DOT Secretary Christina Frasco na pinag-aaralan ng departamento na magkaroon ng direct flights mula Bandar Seri Begawan patungong Cebu at Clark.

”As of the moment, we do have our local carriers Philippine Airlines and Cebu Pacific that already fly and of course, there’s Royal Brunei Airlines as well, but ‘yung goal po natin, ‘yung connectivity po natin ay hindi lamang papunta sa Manila kung hindi diretso po papunta sa ating mga tourism destinations such as Cebu and Clark,” ayon kay Frasco.

Tinuran pa nito na makikipagtulungan ang DOT sa Department of Transportation kaugnay sa route development para makamit ang nasabing plano.

Samantala, sinabi ni Frasco na pinalalakas naman ang Muslim-friendly at halal tourism sa pagitan ng Maynila and Bandar Seri Begawan. Binanggit nito na may mga panawagan na gawing halal-friendly place ang isla ng Boracay.

”With this, we are now in talks with Boracay local government unit as well as the Department of Tourism to respond also to the request of our ambassadors to offer halal-friendly tourism in Boracay,” ayon sa Kalihim.

Sa kabilang dako, kapwa pinirmahan ng Pilipinas at Brunei ang isang kasunduan na naglalayong itaas ang tourist arrivals ng dalawang bansa mula sa world tourist-generating markets at hikayatin ang mas malawak na distribusyon ng mga bisita sa iba’t ibang ‘tourist destinations at attractions’ sa dalawang bansa.

Taong 2023, nakapagtala ng DOT ng 6,639 dumating na bisita mula Brunei, mayorya sa mga ito ay binisita ang Pilipinas para sa “leisure travel o bakasyon.”

Matatandaang, ang huling tourism cooperation agreement sa pagitan ng Pilipinas at Brunei Darussalam ay nilagdaan 13 taon na ang nakalilipas. (CHRISTIAN DALE)

53

Related posts

Leave a Comment