DOH NAALARMA SA PAGLOBO NG KASO NG HIV

NAALARMA ang Department of Health (DOH) sa datos na aabot sa 215,400 ang kabuuang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.

Sa pinakahuling pagsusuri ng DOH, mayroong 4,595 na kumpirmadong HIV-positive na individuals mula Hulyo hanggang Setyembre 2024.

Sa nasabing bilang ay mayroong 1,301 o katumbas ng 28 percent dito ang mayroong advance HIV infection sa panahon ng kanilang diagnosis.

Mayroon ding 50 HIV cases ang naitatala sa bansa kada araw kung saan 4,362 dito o 95 percent ay kalalakihan habang 233 o 5 percent ay kababaihan.

Noong panahon ng COVID-19 pandemic ay bumagsak ang kaso ng HIV sa bansa at tumaas na lamang ito pagdating ng 2022 hanggang 2023.

Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa, ang susi para mabilis malaman ang nasabing sakit ay ang regular na pagpapa-check up.

Bigong Kampanya

Binigyang-diin naman sa Kamara ang kabiguan ng Pilipinas sa pagsugpo sa wala pang gamot na HIV dahil patuloy na nadaragdagan ang mga dinadapuan nito.

Sa kanyang privilege speech, ipinaalala ni Rep. Perci Cendaña na signatory ang Pilipinas sa “Political Declaration on HIV and AIDS” at nangako tayo na pagdating ng 2030 ay wala nang AIDS o Acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).

Gayunpaman, malabo itong mangyari dahil ang Pilipinas na ang bansa sa Western Pacific region na may pinakamabilis sa pagdami ng HIV cases, patunay ang datos umano na 411% ang itinataas ng kaso araw-araw.

Base aniya sa 7th AIDS Medium Term plan, 95-95-95 ang target ng Pilipinas pagdating sa 2023 o 95% sa paggamot; 95% sa pagsugpo at 95% sa mga biktima ay dapat alam na meron na silang sakit nito.

“Subalit as of third quarter of 2024, ayon sa DOH Epidemiology Bureau, ang Pilipinas ay nasa 61-67-39 lamang. Malayo na ang naabot ng teknolohiya sa HIV prevention and treatment sa mundo, pero bakit nangungulelat pa rin tayo?,” ani Cendaña.

Ang nakakalungkot ayon sa mambabatas, pabata nang pabata ang tinatamaan ng HIV sa bansa dahil 80% sa mga biktima ay edad 15 hanggang 34 lamang at marami pa ang pinaniniwalaang hindi nagpapa-check-up.

Inihalimbawa nito ang kaso ng 15-anyos na biktima na pinangalanan nitong Ana na pitong buwang buntis matapos mapariwara dahil inabandona ng kanyang mga magulang ay natuklasang HIV positive at maging ang kanyang dinadalang sanggol.

Dapat na aniyang maalarma ang bansa at seryosohin ang kampanya laban sa HIV-AIDS. (JULIET PACOT/BERNARD TAGUINOD)

37

Related posts

Leave a Comment