DOH NAGPASAKLOLO SA DOJ, NBI LABAN SA SMUGGLED MPOX VAX

NAGPASAKLOLO kahapon ang Department of Health (DOH) sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) para malaman kung paano nakuha ng ilang indibidwal at pribadong establisimyento ang mga bakuna laban sa virus na Mpox.

Sa kabila ito ng katotohanang walang inaprubahan ang Food and Drugs Administration (FDA) na nasabing bakuna.

Kinumpirma ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na ipauubaya ng kagawaran sa DOJ at NBI ang mga kaso laban sa mga indibidwal na ito dahil sa panloloko sa publiko sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng maling kahulugan ng proteksyon mula sa monkeypox.

“Lahat ng bakuna pampubliko o pribado kailangan nakarehistro muna sa FDA. Kapag hindi, ito ay itinuturing na kontrabando o smuggled. Samakatwid, ang mga ito ay mga bakunang ilegal na nakuha, dahil hindi pa inaprubahan ng FDA ang anomang bakuna sa Mpox para gamitin sa bansa,” babala ng kalihim.

Ayon kay Sec. Herbosa, may ilang establisimyento, kabilang ang mga massage at spa parlors na itinuturing na mga lugar na may mataas na peligro para sa pagkontrata ng Mpox ay sinasabing ang kanilang mga tauhan at therapist ay “nabakunahan ng Mpox.” (JULIET PACOT)

57

Related posts

Leave a Comment