(NI FROILAN MORELLOS)
TATAPUSIN ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dredging o paglilinis ng 1.5 kilometro ng Manila bay bago dumating ang buwan ng July, ito ang pahayag ni Undersecretary for Technical Services and Unified Project Management Office Emil Sadain .
Ayon kay Usec. Sadain upang mapadali ang kanilang dredging operation, gamit nila ang dalawang units ng multi-purpose amphibious dredge Watermaster Classic 5 para sa pagtanggal ng mga debris, plastics, at iba pang mga solid wastes sa ilalim ng dagat.
Sinabi pa nito na ang dalawang units ng Watermaster Classic ay mayroong cutter suction na may heavy duty dredging capacity , upang mapabilis ang “Sagip Manila Bay” sa pagitan ng U.S Embassy papuntang Manila Yacht Club.
Bukod sa nabanggit na dalawang pirasong Watermaster classic 5, nagtalaga rin ang DPWH ng dalawang crawler mounted land based at apat na amphibious excavators, para sa debris segregators at iba pa .
Matatandaan na ang operasyon ng “Sagip Manila Bay” ay hinati-hati sa lima mula 200 to 300 meter ang distansiya hanggang maabot ang 1.5 km ng shoreline .
Kabilang sa naturang operasyon ang Bureau of Equipment ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine Coast Guard (PCG) na siyang inatasan sa patuloy na pagsasagawa ng water quality monitoring at bathymetric surveying sa site gayundin ang desilting monitoring ng operasyon.
111