DRUG MONEY PUHUNAN SA POGO

LUMILINAW na sa imbestigasyon ng Quad Committee sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mula sa kita sa illegal drugs sa bansa ang ginamit sa pagpapatayo ng mga Chinese national ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Isiniwalat ito ni House committee on public order and safety chairman Rep. Dan Fernandez sa ikaapat na pagdinig ng Quad Comm sa pagkakaugnay ng illegal drug trades, POGO at Extrajudicial killings (EJK).

“In the course of our inquiry, I believe that one thing will eventually be made clear: that drug money is the source of POGO money, and that POGO money is a source of criminal activities, including EJKs,” ani Fernandez.

Kinatigan naman ito ni House committee on human rights chair Rep. Bienvenido Abante Jr., kung ang mga testimonya ng iba’t ibang resource persons ang pagbabasehan sa nagdaang tatlong pagdinig.

Bahagi ang komiteng pinamumunuan nina Fernandez at Abante ng Quad Comm na pinangungunahan ni Surigao Representative at chair ng committee on dangerous drugs na si Rep. Robert Ace Barbers.

Pinatotohanan, ani Abante, ni Lt. Col. Jovie Espenido na ginamit ang POGO money para pondohan ang quota system ng war on drugs ng nakaraang administrasyon kung saan binabayaran ang mga pulis sa bawat drug suspect na kanilang napapatay.

Samantala, binawi naman ni Cassandra Li Ong ang kanyang pangako noong nakaraang pagdinig na lalagda ito ng bank waiver para bigyan ng kapangyarihan ang Quad Comm na buksan ang kanyang bank transactions.

Sinabi ni Barbers na idinahilan ni Ong ang kasong money laundering na isinampa ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban sa kanya kaya tumanggi itong lagdaan ang bank waiver. (BERNARD TAGUINOD)

42

Related posts

Leave a Comment