EBIDENSYA VS MAYOR GUO SA POGO MAHINA

NANINDIGAN si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na wala siyang koneksyon sa anomang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) operations sa bansa kaya maling tawagin itong “conspirator” nang walang matibay na ebidensya.

Ang pahayag ay ginawa ni Mayor Guo bilang reaksyon sa kasong Anti-Trafficking in Persons na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice (DOJ) ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Giit ni Mayor Guo, ang pagkakaroon lamang ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal ay hindi sapat na batayan upang tawagin ang isang tao na kasabwat.

Inihayag ng alkalde na ang mga ganitong akusasyon ay kailangang masuportahan ng sapat na ebidensya.

“Ang pagiging conspirator ay may legal na batayan sa ating batas. Ang pagkakaroon ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal, lalo na kung hindi malinaw, ay hindi sapat upang iugnay ang isang tao sa kaso, partikular na sa kaso ng Human Trafficking,” sabi ni Mayor Guo.

Binanggit niya na wala siyang anomang kaugnayan o pakikibahagi sa Zun Yuan Technology, Inc. o anomang POGO sa bansa.

Kahit na hindi pa natatanggap ang kopya ng pormal na reklamo, nananatiling kumpiyansa si Mayor Guo na walang sapat na ebidensya na mag-uugnay sa kanya sa mga paratang.

Ipinahayag niya ang kanyang pangamba na ang mga paratang ay maagang inilabas sa publiko bago pa man ipakita ang anomang kongkretong ebidensya.

“Mula pa noong araw ng raid noong Marso 13 hanggang sa kasalukuyan ay talagang pinipilit lamang akong iugnay sa kaso. Kung may ebidensya ay dapat noong maaga pa ay nakasuhan na ako,” paliwanag ni Mayor Guo.

Nanawagan si Mayor Guo na masusi munang imbestigahan ang mga kaso bago maglabas ng anomang pahayag sa publiko. Aniya, tila niluto muna sa publiko at sa media ang mga alegasyon bago ito isinampa laban sa kanya.

“Dapat na manaig ang prinsipyo ng ‘innocent until proven guilty’, at mahalaga na igalang ang karapatang pantao at katarungan sa lahat ng aspeto ng anomang kaso,” dagdag pa niya.

Handa si Mayor Guo na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya, naninindigan sa kanyang pangako na ipagtatanggol ang katarungan at transparency sa mga proseso.

34

Related posts

Leave a Comment