(NI BERNARD TAGUINOD)
IDINEPENSA ng ilang mambabatas sa Kamara ang panukalang bigyan ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para resolbahin ang problema sa trapiko sa Metro Manila upang matapos na umano ang paghihirap ng taumbayan.
Ayon kina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, kailangan na ang ang direktang aksyon ng Pangulo sa nasabing problema dahil palala na nang palala ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Ang pahayag ni Defensor ay matapos tutulan ng ilang senador na bigyan si Duterte ng emergency powers para resolbahin ang problema sa lalong madaling panahon.
“Hindi kailangan ng perpektong solusyon sa traffic kung ito ang gusto ng Senado. Ang kailangan ng Ehekutibo ay poder para maisagawa ang ano mang kailangang pagbabago para maisayos ito,” ani Defensor.
Sinabi ng mambabatas na dahil sa trapik ay nawawalan aniya ang gobyerno at mamamayan ng P3.5 Billion araw-araw base aniya sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) kaya kailangan aniyang ibigay na ang dagdag na kapangyarihan sa Pangulo.
127