INAALAM ngayon kung politically motivated o personal grudge ang motibo sa paglikida sa isang tauhan ng Manila City na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang salarin.
Kinumpirma ni Manila Mayor Honey Lacuna na malapit sa kanila ang nasawing kawani na sinasabing isang sound technician.
Ayon kay Mayor Lacuna, hindi pa gaanong nagtatagal matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang tahanan si Carmelo Ocampo, 55 anyos at residente ng 481 Peñalosa Street ng Brgy 81, Tondo ay kinausap na ni Mayor Lacuna si Manila Police District Director PBGen. Arnold Thomas Ibay para tutukan ang kaso.
Sinikap ng ilang mamamahayag na kunan ng impormasyon ang MPD subalit wala pa umano silang pagkakakilanlan sa biktima at hindi rin umano nila alam kung empleyado nga ito ng city hall.
Sa inisyal na imbestigasyon ng MPD-Station 1, nakaupo lamang ang biktima sa kanyang bahay nang pagbabarilin ng gunman na nakasuot ng maong jacket, itim na mask, helmet, at tinatayang may taas na 5’6″.
Naisugod sa Mary Johnson Hospital ang biktima pero namatay rin habang ginagamot. (JESSE KABEL RUIZ)
30