ERICE, NAIWAN SA ERE SA LABAN VS MIRU?

MISTULANG iniwan sa ere ang dating kinatawan ng ikalawang distrito ng Caloocan City na si Edgar Erice matapos itong mabigong magsumite ng ebidensya sa kanyang mga paratang laban sa Commission on Elections (Comelec) at Miru Systems.

Ang kawalan ng ebidensya ang nagtulak sa Comelec Second Division na ideklarang paninira lamang ang mga pahayag ni Erice, na tila may layuning guluhin ang nalalapit na 2025 national and local elections.

Bunga nito, ilang netizens ang nagkomento na, mukhang nagamit lang si Erice ng dating provider ng automated counting machines (ACMs) na Smartmatic.

Sa desisyong inilabas noong Nobyembre 26, 2024, idineklara ng Commission on Elections (Comelec) 2nd Division, na binubuo nina Commissioner Marlon S. Casquejo, Rey E. Bulay, at Nelson Celis, na si Erice ay lumabag sa Section 261 (z) (110) ng Omnibus Election Code.

Ang desisyon ay nag-ugat sa petisyong inihain ni Raymond Salipot na nag-aakusa kay Erice ng pagpapakalat ng hindi napatunayang impormasyon na makasisira sa kredibilidad at integridad ng halalan.

Ayon sa resolusyon, “Ang mga ebidensiyang iniharap ay malinaw na nagpapakita ng maayos na dokumentado at sistematikong paraan ng pagpapalaganap ng maling impormasyon ni Erice na layuning sirain ang kredibilidad ng Comelec at ang halalan sa 2025”.

Dagdag pa rito, binigyang-diin ng Comelec na ginamit ni Erice ang iba’t ibang media platform upang ikalat ang maling balita, na nagdulot ng kalituhan sa mga botante at takot sa publiko.

Ipinagbabawal ng Omnibus Election Code ang sinumang tao na, para sa layunin ng paggulo o paghadlang sa proseso ng halalan o pagpapalaganap ng kalituhan sa mga botante, ay nagpapakalat ng mali at nakaaalarmang ulat o impormasyon, o nagpapasa o nagpapalaganap ng maling kautusan, direktiba, o mensahe kaugnay sa anumang bagay na may kinalaman sa pag-imprenta ng opisyal na balota, pagpapaliban ng halalan, paglilipat ng lugar ng botohan, o pangkalahatang pagsasagawa ng halalan.

Ayon sa Comelec, ang ganitong gawain ay hindi maaaring ituring na lehitimong kritisismo, kundi isang tangkang guluhin ang halalan.

“Ang mga kilos ni Erice ay malinaw na naglalayong guluhin ang proseso ng eleksyon kaysa magbigay ng makatotohanang opinyon,” ayon pa sa resolusyon.

Pinaalala rin ng Comelec na ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay may direktang epekto sa tiwala ng publiko sa demokratikong proseso.

“Ang ganitong gawain ay sumisira hindi lamang sa integridad ng halalan, kundi pati na rin sa kredibilidad ng ating mga institusyon,” dagdag ng komisyon.

Ayon sa Comelec, paulit-ulit na inilarawan ni Erice ang Pilipinas bilang isang “guinea pig” sa nalalapit na eleksyon at iginiit niyang ang mga automated counting machines (ACMs) at sistema mula sa Miru Systems na nakuha ng Comelec ay mga prototype at hindi pa nagagamit sa anumang halalan sa buong mundo.

Sinabi ng Comelec na ang mga pahayag na Erice ay walang batayan at sumasalungat sa mga beripikado at malawak na impormasyon mula sa Comelec at iba pang mapagkakatiwalaang mga sanggunian.

“Malinaw na walang anumang ebidensya na naipakita si Erice maliban sa mga pahayag na ginawa niya sa media. Kaya’t ang mga impormasyong ipinalaganap ni Erice kaugnay sa pangkalahatang pagsasagawa ng halalan ay pawang kasinungalingan,” ayon sa resolusyon ng Comelec.

46

Related posts

Leave a Comment