EX-MAYOR ALICE GUO MATITIKMAN NA BUHAY HOYO

MATITIKMAN na ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo ang buhay preso kasama ng iba pang person deprive of liberty matapos na tuluyang mailipat sa Pasig City Jail nitong Lunes mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City, sa utos ng Pasig Regional Trial Court.

Lumabas ang convoy na naghahatid kay Guo sa detention facility sa Camp Crame dakong alas-8:49 ng umaga at dumating ng Pasig City Jail bandang alas-9:14 ng umaga, base sa ulat.

Ililipat sana si Guo sa Pasig City Jail Female Dormitory noong Biyernes subalit hindi natuloy dahil hindi agad nakumpleto ng Philippine National Police (PNP) ang ilang requirements kabilang ang kanyang medical assessment.

Makakasama ni Guo sa detention facility ang 43 inmates sa loob ng isang selda kasama ang isa sa tatlong babaeng kapwa akusado naman ni KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy na may kaso ring qualified human trafficking, kahit dinisenyo ang lugar para lamang sa siyam na detainees.

Ipinag-utos ng Pasig City Regional Trial Court-Branch 167, ang korteng naglilitis kay Guo sa kanyang non-bailable case na qualified human trafficking, ang transfer nito habang dinidinig ang kaso.

Sinabi ni BJMP Spokesperson JSupt. Jayrex Bustinera, noong nakaraang dalawang linggo ay mayroon tatlong babae na dinala na kapwa akusado ni Quiboloy. Pinaghiwa-hiwalay ito dahil tatlo lang ang selda, at ang isa sa mga ito ay makakasama ni Guo pati na rin ang iba pang kasalukuyang nakakulong.

Nilinaw ng tagapagsalita ng BJMP na walang anomang special preparation para sa selda ng pinatalsik na mayor dahil sumusunod lang sila sa korte at kung ano ang dating hitsura ng selda, ay ‘yun na ang madadatnan ni Guo.

Subalit nabatid na hindi kaagad maisasama si Guo sa mga regular inmate dahil may karamdaman umano ito na kailangan suriin pa ng BJMP doctors.

Nabatid na bago ilipat si Guo sa kanyang bagong piitan ay isinailalim ito sa medical examination at lumilitaw na may ubo ito at hinihinalang may lung infection kaya ilalagay muna ito sa isang kuwarto kasama ng tatlong PDL na may sakit din umano sa baga.

“Mayroon siyang kaunting colds kanina (kahapon). Sa ospital, nag-uubo-ubo siya nang kaunti,” ani Col. Jean Fajardo ng PNP Public Information Office.

“The doctors deemed it necessary to put that in writing, and it will be now the BJMP who will determine what kind of treatment — if there will be any treatment at all — treating the suspected infection,” ani Col. Fajardo.

Nabatid na isasalang sa confirmatory tests si Guo hinggil sa kanyang medical condition at oras na mapatunayang cleared na ito sa anomang respiratory infection ay agad na ililipat siya sa regular na selda kasama ng iba pang inmates, ayon sa BJMP.

Ang female dormitory na may capacity para sa 36 PDLs ay kasalukuyang may 135 inmates na hinahati sa tatlong selda. (JESSE KABEL RUIZ)

64

Related posts

Leave a Comment