EX-PNP CHIEF SINUHULAN SA POGO OPERATIONS

ISINIWALAT ni PAGCOR Senior Vice President for Security Retired Gen. Raul Villanueva na may dating hepe ng Philippine National Police ang tumulong kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kanyang POGO Operations.

Sa pagdinig ng Senate committee on women, sinabi ni Villanueva na kasama ang dating chief PNP gayundin ang ilang tauhan ng Bureau of Immigration na tumulong umano sa pagpapatakas sa grupo ni Alice Guo.

Gayunman, sinabi ni Villanueva na hindi niya mabanggit ang pangalan ng dating hepe ng PNP dahil patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Ipinaliwanag ng opisyal na napag-uusapan lamang ito sa intelligence community at patuloy pang bineberipika.

Sinabi naman ni Fortunato Manahan Jr. ng Bureau of Immigration na ongoing pa ang kanilang internal investigation sa sinasabing mataas na opisyal ng BI na kasama sa sinuhulan para makatakas sina Guo.

Sinabi naman ni PNP CIDG Deputy Director Police Brig. Gen. Raul Tacaca na wala pa silang report kung may nasuhulan na tauhan ng PNP subalit kung lalabas anya na mayroong sangkot mula sa kanilang hanay ay agad nila itong sasampahan ng kaso.

Aminado si Senador Risa Hontiveros na nakadidismaya at nakaka-shock ang impormasyon dahil sa mahigit ng isang buwan ang nakalipas pero wala pa ring resulta ang kanilang imbestigasyon.

Sinabihan pa ni Hontiveros ang PNP na mag-step up na o paghusayin pa ang kanilang imbestigasyon. (DANG SAMSON-GARCIA)

41

Related posts

Leave a Comment