BALIK-KULUNGAN ang dating child actor matapos pagbabarilin ang kababata nito, Lunes ng gabi sa Pasig City.
Ayon kay Pasig Police Chief PCol. Hendrix Mangaldan, dakong alas-7:26 ng gabi, binaril ng suspek na si John Wayne Sace ang biktima na si Lynell Eugenio, 43-taong gulang ng Feliciano St., Brgy. Sagad, Pasig City.
Batay sa imbestigasyon, nagkakabiruan pa umano ang magkababata ngunit nauwi ito sa mainitang pagtatalo hanggang sa pinagbabaril ng suspek ang biktima sa isang eskinita malapit sa bahay nito.
Tumakas ang suspek dala ang kalibre 45 na ginamit sa pamamaril.
Kwento ng kapatid ng biktima, biniro pa umano ng kanilang kaanak si Sace kung pwedeng utangan ang dating aktor, pero sagot umano nito: “wala, wala gusto mo kapalit buhay.”
Sa kuha ng isang CCTV video bago ang pagpaslang kay Eugenio, makikita ang biktima na naglalakad sa isang eskinita papauwi na sana ng kanyang bahay at ilang minuto lang ang nakalipas ay narinig ng mga kaanak ang sunod-sunod na putok ng baril.
Pasado ala-sais kinse kaninang umaga nang madakip si Sace ng mga awtoridad sa isang motel sa Barangay Oranbo.
Nasa kustodiya ng Pasig City Police Station ang aktor at mahaharap sa kasong pagpatay at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Pasig City Prosecutor’s Office.
Ayon sa Station Investigation and Detection Management section ng Pasig Police Station, dati na umanong naaresto at nakulong si Sace dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot noong 2016. (NEP CASTILLO)
126