GAVAN, IBA PANG OPISYAL NG COAST GUARD INIREKLAMO SA BILYON PISONG BIDDING

SINAMPAHAN ng kaso ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard Bids and Awards Committee (PCG BAC) sa pamumuno nina PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan sa Ombudsman kamakailan ukol sa maanomalya umanong bidding process ng proyektong pagbili ng mga pistola para sa nasabing ahensya.

Ayon sa reklamo, ang proyekto na nagkakahalaga ng humigit kumulang sa isang bilyong piso o Php971,536,500.00 ay para sa pagbili ng 19,627 units ng caliber 9mm pistola na overpriced o may patong ng halos Php421,000,000.00. Bukod kay Gavan, sinampahan din ng kumpanyang South Korean na Dasan Machineries Co. Ltd. ng kasong kriminal at administratibo sila Rear Admiral Hostillo Arturo Cornelio; Commodore Algier Ricafrente, Commander Benedicto Bartolome at iba pang mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) at Technical Working Group (TWG) ng Philippine Coast Guard sa hindi umano patas na bidding process dahil pinaboran ng Coast Guard ang Armscor Global Defense Inc. sa kabila ng lampas pa sa dobleng presyo na mga pistola kumpara sa presyo sa merkado o dealer’s price ng parehong brand at model na pistol.

Sa mga isinampang reklamo, inihayag ng mga opisyal ng Dasan na ang presyo sa merkado o dealer’s price ng mga nasabing baril ay nagkakahalaga lamang ng Php20,500 samantalang sa bid price na idineklara ng Armscor ay lampas pa sa doble sa halagang Php49,500.

Sa nasabing reklamo, inaakusahan ng grave misconduct at gross neglect of duty at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang PCG BAC dahil sa pagpapalusot sa nasabing bidding.

Ang mga nasabing transaksyon ay tinawag din “grossly disadvantageous to the government” lalung-lalo na ngayong ang Phil Coast Guard ay nararapat nakatuon sa West Philippine Sea kung saan ito ang dapat paghandaan at hindi ang pagbili ng pistola na hindi naman maaaring gamitin sa komprontasyon sa dagat.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang pasya ng Ombudsman kung isasampa ang kaso sa Sandiganbayan.

89

Related posts

Leave a Comment