NASAKOTE ang isang ginang sa isinagawang madaling araw na buy-bust operation at nakumpiskahan ng mahigit na P200,000 halaga ng umano’y shabu sa Valenzuela City.
Ayon sa ulat ni Valenzuela Police chief, P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, kinilala ang arestadong suspek na si alyas “Malou”, 58, ng Brgy. Rincon.
Napag-alaman, dakong alas-5:00 ng madaling araw, nagkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Pasolo Rd., Brgy Pasolo ng nabanggit na lungsod na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakumpiska sa suspek ang tinatayang 32 grams ng hinihinalang shabu na tinatayang P217,600 ang halaga.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MARDE INFANTE)
51