Natimbog ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Bureau of Immigration (BI) sa isang subdivision sa bayan ng Biñan sa lalawigan noong Huwebes ang umano’y “godfather” ng POGO sa buong Pilipinas.
Ayon kay PAOCC chief, Usec. Gilbert Cruz, ang naarestong itinuturong pinakapinuno ng POGO ay kinilalang si Lyu Dong na gumagamit ng mga alyas na “HAO HAO,” o “boss of the boss”.
Ayon sa report, inaresto ang 19 dahil sa mission order na isiyu ng Bureau of Immigration at magkasamang nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng PAOCC at Biñan City Police sa Las Villas De Manila, sa Arsobispo Street, Southwoods sa Biñan City alas-8:00 ng gabi noong Huwebes.
Kabilang din sa mga nadakma ang 12 pang foreign nationals na umano ay mga “boss” ng POGO, at anim na Filipino na mga bodyguard ng mga ito.
Sinasabing ang mga suspek ay konektado sa POGO operations sa Porac, Pampanga at sangkot din sa “scam farms” sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.
Kabilang dito ang dalawang kumpanya sa Ilocos Sur, Lucky South 99 at Hongsheng/Zun Yuan sa Central Luzon, at dalawang illegal POGO sa Calabarzon.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang iba’t ibang IDs, sangkaterbang cellphones, computers, cash money at tatlong hindi lisensyadong baril.
Dinala ang mga naaresto sa PAOOC headquarters sa Pasay City para patuloy sa imbestigasyon habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa mga ito. (NILOU DEL CARMEN)
77