NAGSAMPA ang local media sa lalawigan ng Masbate ng mga kaso gaya ng plunder, malversation, falsification of public documents, paglabag sa anti-graft and corrupt practices act at administrative case laban kay Gov. Antonio Kho dahil umano sa mga kwestyunableng proyekto sa lalawigan.
Ang kaso ay may kinalaman sa tinaguriang 21 ‘ghost projects’ ng gobernador sa iba’t ibang bayan sa Masbate na hindi makita dahil wala umanong program of works.
Ang reklamo ay isinampa sa Office of the Ombudsman ng asosasyon ng mga mamamahayag mula sa Masbate Quad Media Society, Inc. (MQMSI).
Nabatid sa reklamo nina Edarlito Doremon Jr. at Ram Sison, kapwa local radio reporter sa Masbate, bukod umano sa hindi pinakinabangan ng taumbayan ang mga ipinagawang kalsada sa naturang lalawigan ay nawalan din ng karapatang mapaunlad ang buhay ng mamamayan dahil umano sa kurapsyon.
Sinabi pa sa reklamo nina Doremon at Sison na kwestyunable ang mga proyekto at duda rin sila sa kinapuntahan ng mahigit 420-million pesos na pondo ng probinsya ng Masbate mula 2022 hanggang 2023.
Bukod kay Gov. Kho, inireklamo rin sina: Provincial budget officer Liborio Gonsales, Jr, provincial accountant Glenda Talisic, acting provincial Treasurer Eduardo Arcenas, Jr., acting provincial engineer Eng. Ralph Bacolod, bids & awards committee chairman Atty. Rany Sia at iba pa.
Inakusahan din ng mga complainant ng pagsasabwatan ang mga local official at private contractors ng mga proyekto.
Giit ng mga mamamahayag, bagamat nanganganib ang kanilang mga buhay dahil sa pagbangga sa gobernador ng lalawigan pero kailangan anilang manindigan para sa hustisya at kapakanan ng mga taga-Masbate.
Dahil dito, hinihiling nina Doremon at Sison sa Ombudsman na patawan ng preventive suspension si Kho at iba pang inaakusahan nila. (PAOLO SANTOS)
44