(NI BERNARD TAGUINOD)
WALANG plano ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na tantanan ang Grab Philippines dahil sa paglabag ng mga ito sa batas ukol sa 20%, hindi lamang sa mga estudyante kundi sa mga senior citizens.
Ito ang nabatid kay Senior Citizen party-list Rep. Francisco Datol Jr., na nagsabing “hindi iginagalang ng Grab” ang mahigit 1.2 million senior citizens sa Kalakhang Maynila.
“Sa susunod na Kongreso (18th congress), bubusisiin ko po lalo ang Grab na yan,” ani Datol na napikon dahil matagal na aniyang nag-ooperate ang nasabing Transport Network Company (TNC)ngunit hindi maipatupad ang 20% discount ng mga senior citizen.
Kamakailan ay nag-imbestiga ang House committee on metro manila development hinggil sa operasyon ng Grab kaya sinita ni Datol ang nasabing kompanya dahil sa mga natatanggap nitong reklamo na tanging ang nasabing transportasyon ang hindi nagbibigay ng 20% discount.
Nalaman din sa nasabing pagdinig na hindi Filipino ang may-ari aniya ng Grab kaya hindi pa nailalabas-labas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang permit.
“Tinanong ko, sino ba ang may-ari ng Grab? Napag-alaman ko na isa pala na hindi Pilipino, yung kanilang may-ari na si Brian Yu. Itinanong ko bakit dalawang taon na yung application nila sa LTFRB ay bakit hindi binibigyan ng kaukulang permit, yun pala sa pagkakaalam ko, dahil hindi Filipino, yun pa rin po ang pinoproseso,” ayon pa sa mambabatas.
Dito din, natuklasan na marami sa mga tumatakbong yunit ng Grab ang kolorum bagay na mapanganib umano lalo na sa kanilang mga mananakay dahil kapag nadisgrasya ito ay wala silang mapapala.
“Kaya napag-alaman din namin na may colorum ang Grab na iyan na lagi nilang pinagtatakpan kaya sa aking pagtatanong, nabulgar yang anomalya ng Grab tungkol sa kanilang ginagawa.Pag kolurum walang insurance,” ayon pa sa mambabatas.
Base sa mga ulat, umaabot sa 8,000 unit ang pansamantalang inalis muna ng Grab sa kanilang sistema.
158