GRADE 9 STUDENT NIREYP SA INTRAMUROS

BUKOD sa kasong panggagahasa, nahaharap din sa kasong child abuse ang isang 27-anyos na tricycle driver matapos pagsamantalahan ang isang 16-anyos na dalagita sa Intramuros, Manila, iniulat ng pulisya nitong Linggo.

Kinilala ang suspek na sumuko makaraan ang insidente, na si Danilo Aranas, binata, ng Blk. 9, Lot 46, Old Site, Baseco Compound, Port Area, Manila.

Base sa ulat na nakarating kay P/Lt. Col. Ariel Caramoan, station commander ng Manila Police Station 5, bandang alas- 7:00 ng gabi nang mangyari ang panggagasa sa biktimang si alyas Amor, Grade 9 student, ng Bagong Lupa, Baseco Compound, Port Area, Manila, sa panulukan ng Cabildo St. at A. Soriano St. sa Intramuros.

Sa report ng pulisya, nitong Mayo 9, nagkaroon ng pag-aaway ang dalagita at ang kinakasama nito.

Bunsod nito, umalis sa kanilang bahay ang biktima ngunit habang naglalakad ay tinanong umano ito ng suspek na lulan ng motorsiklo, kung saan pupunta.

Dahil walang masakyan, napilitang sumakay ang dalagita sa motorsiklo ng suspek patungo sa Divisoria.

Ngunit nagulat ang dalagita nang mag-iba ng direksiyon ang suspek kaya pilit na pinahihinto ang motorsiklo.

Pagsapit sa nasabing lugar sa Intramuros ay ginahasa umano ng suspek ang biktima.

Makaraan ang insidente ay kusang loob na sumuko ang suspek sa mga opisyal ng Barangay 649 na siyang nagdala sa kanya sa himpilan ng pulisya.  (RENE CRISOSTOMO)

87

Related posts

Leave a Comment