GUN STORE SINALAKAY, HIGH POWERED FIREARMS NASAMSAM

SINALAKAY ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang malaking gun store sa Marikina City nitong nakalipas na linggo na sinasabing nagbebenta ng undocumented firearms sa online.

Sa bisa ng dalawang search warrant ay sinalakay ng mga awtoridad ang tindahan na umano’y talamak ang bentahan ng hindi dokumentadong mga baril, na ang ilang hinihinalang mga parokyano ay mga pulitiko, artista at mga tauhan ng pamahalaan.

Matapos ang regular Monday flag raising ceremony sa Camp Crame sa Quezon City, iprinisenta ni PNP chief, Police General Benjamin Acorda ang ilang loose firearms na kinabibilangan ng 26 long at 27 short firearms.

Ayon kay Acorda, bilang bahagi ng kanilang kampanya kontra loose and undocumented firearms ay sinalakay ang naturang tindahan ng mga baril sa bisa ng inilabas na search warrants ng korte, kung saan isang indibidwal ang inaresto.

Lubha umanong nakababahala ang impormasyong kanilang nakalap dahil bukod sa hindi lisensyado ang mga baril ay naibebenta rin umano nila ito sa online.

Sinasabing kabilang sa customers ng suspek ay gun enthusiasts, uniform personnel ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) at ilang politiko na hinihinalang nagmamantine ng private armed groups.

Dahil dito, tinutunton ng mga tauhan ng CIDG kung sino-sino na ang mga naging katransaksyon ng suspek

Samantala, patuloy na tinitiktikan ng PNP ang hinihinalang mga pulitiko na may PAGS o armed goons

Ayon kay PNP PIO chief, P/Col. Jean Fajardo, sa ngayon ay may tinitingnan silang 38 potensyal na private armed groups (PAGs) at isang aktibong PAG.

Nilinaw naman ni Col. Fajardo na dahil sa maigting na pagsawata ng pambansang pulisya sa hinihinalang mga armadong grupo ay bumaba ang bilang na ito kumpara sa dating mahigit 40 potential PAGs at dating tatlong aktibong PAGs.

Bunsod ito sa pagsuko ng ilang grupo ng kanilang mga armas sa mga awtoridad.

Sinabi ni Fajardo na kaya potential PAGs ang klasipikasyon ng mga ito ay dahil hindi sila aktibo o kaya naman ay nahuli na ang kanilang lider at ilang matataas na opisyal.

(JESSE KABEL RUIZ)

102

Related posts

Leave a Comment