PINATITIYAK ni Senador Win Gatchalian sa mga paaralan na magpapatupad ng mga hakbang upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng mga guro at mag-aaral laban sa mpox.
Ito ay kasunod ng ulat ng Department of Health (DOH) na may 33-anyos na tinamaan ng mpox na walang travel history sa labas ng bansa.
Bagama’t mababa ang panganib na mahawa ang mga bata sa mpox ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos, binigyang diin ni Gatchalian na dapat magpalaganap ang mga paaralan ng kaalaman at magsulong ng mga hakbang upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani—kabilang ang regular na paghuhugas ng kamay at pag-disinfect sa mga silid-aralan at ibang espasyo.
Sinabi ni Gatchalian na kailangan na mapanatili ang kalinisan at kaligtasan sa mga paaralan at sa buong bansa, lalo na’t ang unang kaso ng mpox ngayong taon ay napatunayang hindi lumabas ng bansa, at nangangahulugang nandito lang ang virus.
Kasabay nito, muling iginiit ni Gatchalian ang pagsasabatas ng panukala na pagtatatag ng Philippine Center for Disease Prevention and Control o ang Senate Bill No. 1869.
Ang itatatag na center ay magsisilbing technical authority sa forecasting, pagsusuri, istratehiya, at pagbuo ng mga pamantayan para mapigilan ang pagkalat ng mga sakit. (DANG SAMSON-GARCIA)
150